Angelica Jones preparing for 2010 polls

Ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ni Angelica Jones ang eleksyon sa 2010.

Marami nang palatandaan ang ginagawa ni Angelica para paghandaan ang kanyang pagtakbo sa halalan sa lalawigan ng Laguna.

Ang lahat ng ito ay tumutugon sa patuloy niyang pagganap sa pulitika.

Halos araw-araw ay nagtutungo si Angelica sa Ikatlong Distrito ng Laguna na kinabibilangan ng Alaminos, San Pablo, Majayjay, Liliw, Rizal at Nagcarlan.

“Gusto ko pong makasama ang mga kababayan ko lagi. Kaya kahit pagod ako sa trabaho ay pinupuntahan ko sila,” pahayag ni Angelica a sa kanyang tahanan sa Mandaluyong City Martes ng tanghali.

Nagbibiyahe ang aktres mula sa Maynila patungong Laguna kasama ang kanyang inang si Beth Jones para makasiguro na hindi nagbabago ang pakikitungo ng taumbayan sa kanya.

“Gustung-gusto ng mga tao si Angelica. Like, lagi kaming may concert para sa kanila, for free, para laging naaalala ng mga tao ang anak ko,” sabi ni Beth.

“Ang nakakalungkot lang, mismong kami ay taga-San Pablo City pero noong last election, do’n pa kami natalo. Dinaya kasi kami ro’n. Sa ibang mga bayan, panalo kami. Ngayon, sisiguruhin namin na hindi na kami madadaya,” dagdag ng ina ng aktres.

Bokal ng third district ng Laguna province ang tinakbuhan ni Angelica noong 2007.

Ngayon, aminado si Beth na mananatiling pagka-bokal ang lalahukan ng kanyang anak.

May pulitikal na partido na bang sinasamahan si Angelica?

“Maraming nanliligaw. Maraming nagpaparinig. May mga kumakausap na sa amin pero pinag-aaralan pa naming mabuti,” kumpisal ng kontrobersyal na manager.

Samantala, kinukuha rin, ani Beth, ng mga pulitikong taga-Mandaluyong City ang kanyang anak para tumakbo sa kanilang tiket pero sa Laguna nakatutok ang atensyon ng bituin.

“Mas gusto ni Angelica na sa kanyang mga kababayan maglingkod dahil marami siyang utang na loob sa kanila,” wika ni Beth.

Itinanggi ng mag-ina na kaya kakandidato si Angelica ay dahil wala nang trabaho sa show business.

“Ang dami-dami ngang show ni Angie. Halos gabi-gabi ay hindi kami napapalya. At saka, noon pa talaga gustong magsilbi ni Angie sa bayan kahit no’ng hindi pa siya artista,” pagtutuwid ni Mommy Jones.

“Public service talaga po ang isa sa mga gusto kong gawin aside from acting. Di ba, lagi akong nagdo-donate ng mga damit at pagkain sa mga nasusunugan tuwing birthday ko? Sumasama rin ako sa mga medical and dental mission sa Laguna kaya exposed na exposed ako sa kondisyon ng aming probinsiya,” kuwento ni Angelica.
SOURCE: http://www.abs-cbnnews.com/entertainment/05/20/09/angelica-jones-prepares-2010-polls

0 comments: